Hindi naging balakid sa mga nakakulong sa Cotabato Provincial Jail ang rehas na bakal upang makatulong sila sa mga mamamayan ng Marawi City na napilitang lumikas dahil sa kaguluhan.

Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nag-fasting ang mahigit isang libong preso para makalikom ng pondo na pantulong sa mga bakwit mula Marawi City.

Isang meal ang hindi kinain ng inmates, na may budget na  halos P50 para sa pagkain.

Ang nalikom na pondo mula sa ginawang pagsasakripisyo ng mga bilanggo ay ipinambili ng saku-sakong bigas, noodles, sardinas at iba pang pagkain.

Tumulong din ang mga preso sa pagre-repack ng relief goods.

Ayon sa jail warden, mismong ang mga preso ang nagkusa na magsakripisyo para sa mga naapektuhang mamamayan ng Marawi. -- FRJ, GMA News