Tatlong pagi na tinatawag na "Eagle ray" ang nalambat sa Lingayen beach sa Pangasinan. Ang isa sa mga ito, buntis pa naman.

Sa ulat ni Jette Arcellana sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing sa may bahagi ng Lingayen beach sa barangay Maniboc nalambat ang tatlong pagi.

Isang mangingisda umano ang tumawag sa mga awtoridad at nagbigay ng impormasyon tungkol sa mga pagi, na ang dalawa ay inabutang patay sa buhanginan.

Pinakawalan naman ang isa pang pagi matapos daw itong manganak.

Sinuri na ng kinatawan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga pagi na kung katawagin umano ay "Eagle ray."

May lapad na 70 pulgada at habang mahigit 100 pulgada ang pinakamalaking nahuli.

Ayon sa BFAR, bubuhusan nila ng gasolina ang mga pagi bago ito ibabaon sa buhangin para hindi na pag-interesan ng iba.

Sinabi ng mga awtoridad na mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli ng anumang uri ng pagi, kabilang na ang eagle ray. -- FRJ, GMA News