Nasabat ng mga awtoridad sa Palawan ang 70 patay na pawikan na nakasilid sa cellophane at sako.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabi ng Dumaran Municipal police na nagsasagawa ng seaborn patrol ang mga pulis at "Bantay Dumaran" nang mamataan ang isang bangka.
Dahil kahina-hinala ang kilos ng dalawang sakay nito, sinita ang mga ito pero nagtangkang tumakas kaya nagkaroon ng habulan.
Nang maabutan at tingnan ang karga ng bangka, doon na tumambad ang mga patay na pawikang nakasilid sa cellophane at sako.
Buo pa ang ulo at palikpik ng mga pawikan pero wala na ang mga laman loob.
Sasampahan ng kasong paglabag sa fisheries law ang mga sakay ng bangka na sina Rico Gonzales Jr. at Kim Aristotles, na kapwa hindi nagbigay ng pahayag.
Ipagkakatiwala naman sa Palawan Council for Sustainable Development ang mga patay na pawikan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. -- FRJ, GMA News
