Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa posibleng iba pang motibo sa ginawang pagsunog ng isang lalaki sa kaniyang ka-live in at dalawa nilang anak sa Pampanga. Ang ginang, wala pa rin malay at hindi pa batid na wala na ang dalawa niyang anak.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing sumailalim sa operasyon ang ginang na si Jennalyn Ramos dahil sa tinamong mga sunog sa katawan.
Malaki umano ang pinsalang tinamo ng biktima sa dibdib at tiyan, at nadamay din ang ilang vital organs.
Dahil hindi pa nagkakamalay, hindi pa batid ni Jennalyn na pumanaw na ang kaniyang dalawang anak na sina Jenny Rose, at Clinton Dave, na anak niya sa live-in partner at suspek na si Ferdinand Igmat.
Nakaratay din sa ospital si Igmat dahil sa tinamong sunog sa braso bunga nang ginawang pagbuhos umano ng gasolina sa kaniyang mag-iina at saka sinindihan nitong nakaraang linggo.
Sinasabing nagalit ang suspek sa nakitang social media post ng asawa kaya nagawa nitong sunugin ang kaniyang mag-iina.
Gayunman, sinabi ng pulisya na patuloy pa rin siyang nagsisiyasat sa posibleng iba pang motibo ng suspek, at aalamin din kung nasa impluwensya ng iligal na droga si Igmat nang gawin ang krimen. -- FRJ, GMA News
