Wala nang buhay nang matagpuan sa isang palaisdaan ang isang grade 12 student na ilang araw nang nawawala sa Basista, Pangasinan.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima si Joanna Rose Espanol, mag-aaral ng Dumpay National High School.

Huling nakitang buhay umano si Espanol noong Miyerkules ng hapon habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay mula sa eskwelahan.

Pero nitong Sabado ng hapon, natagpuan ang kaniyang bangkay sa isang palaisdaan sa Sitio Ambalingit Dumpay.

"Sana po sumuko na lang siya [salarin] para mabigyan namang hustisya sa anak ko. Grabe naman 'yung ginawa sa anak ko parang binaboy... pinahirapan pa eh," hinanakit ng ina ng biktima na si aling Alma Espanol.

Hinala rin ng ginang, hinalay ang kaniyang anak dahil wala itong damit nang matagpuan.

"Ang alam ko ni-rape iyon kasi iyong  itsura lang niya pinahirapan siya. Saka ang daming pasa sa tiyan dito, lahat sa likod," dagdag niya.

Sinabi ng pulisya na hindi na makilala ang bangkay dahil nagsisimula na itong maagnas.

"Hindi mo na ma-identify because iyong cadaver is nasa state of decomposition. So bloated lahat itong katawan ng batang ito," ayon kay Police Senior Inspector  Buenaventura Benavides III, hepe ng Basista Police.

Inaalam na ng pulisya ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng biktima.

"Ngayon po namin na schedule ang PNP Crime Lab ng Provincial Headquarters para i-autopsy po yung cadaver nung bata," anang opisyal. -- FRJ, GMA News