Dalawa ang patay at tatlo ang sugatan matapos na mag-amok umano ang isang lasing na lalaki sa pinagtatrabahuhan nitong quarry site sa Sta. Maria, Pangasinan.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Crisencio Lagua, 49-anyos, dating barangay kagawad.

Una umanong sinaksak ng suspek ang helper sa quarry na si Oliver Agustin noong Lunes ng gabi pero nakaligtas ito matapos tumalon sa ilog.

Sunod naman pinagsasaksak ni Lagua hanggang sa mapatay ang isa pang helper na si Lenyel Juaquin, na natutulog noon sa loob ng truck.

Hindi raw kaagad nalaman ng ibang trabahador ang nangyaring krimen kaya hindi nila nagawang pigilan ng suspek na kinaumagahan ay namaril pa ng mga kasama niyang manggagawa.

Una niyang pinaputukan ng homemade caliber 22 ang nakasalubong na driver ng loader, at isinunod ang sekretaryang nasa loob ng container van.

Nagpunta rin ang suspek sa barracks at binaril din ang backhoe driver na si Gregie Molina, na nasawi rin.

Kaagad na naaresto si Lagua matapos ang pamamaril.

Base sa imbestigasyon, idinahilan ng suspek na pinagkakaisahan daw siya ng mga katrabaho dahil sa hindi niya pagbabayad ng P100 para sa kontribusyon sa pagkain.

Aminado naman si Lagua sa kaniyang nagawa at humingi ito ng tawad dahil wala umano siya sa tamang pag-iisip.

Gayunman, desidido ang mga kaanak ng mga biktima na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

Nahaharap ang suspek sa mga reklamong 2 counts of murder at 3 counts of attempted murder. -- FRJ/KVD GMA News