Arestado ang dalawang babae dahil sa pagtatangka umanong magpuslit ng droga sa Mandaue City Jail. Ang umano'y shabu, inilagay sa condom at saka itinago sa maselang bahagi ng kanilang katawan.
Ayon sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing unang nadakip si Agapita Jayme Morre, 55-anyos, na dadalaw umano sana sa kaniyang anak na nakapiit dahil din sa iligal na droga.
Pero nang sumailalim sa pag-inspeksyon ang ginang, nakuha ang isang malaking pakete ng hinihinalang shabu na nakabalot sa condom na ipinasok sa pribadong parte ng kaniyang katawan.
Inamin ni Morre na para sa kaniyang anak ang droga pero unang beses lang daw niya iyong ginawa at hindi rin niya alam kung ilang gramo ang kaniyang dala.
Pero makalipas ng 15 minuto matapos madakip si Morre, nahuli naman Marilou Pepito, na dadalaw umano sa nakapiit nitong kapatid na dahil din sa iligal na droga.
Gaya ni Morre, itinago rin umano sa pribadong parte ng katawan ni Pepito ang droga na nakalagay din sa condom.
Ayon sa dalawa, may magbabayad umano sa kanila ng P1,500 kapag naipuslit nila sa kulungan ang droga.
Napag-alaman na sa 1,701 preso na nasa Mandaue City Jail, 1,123 sa kanila ay sangkot sa kalakaran ng iligal na droga. -- FRJ, GMA News
