Dinakip ang isang babaeng nagpakilalang vlogger dahil umano sa ginawang paninipa at pandudura sa mga deboto sa gitna ng Penitential Walk with Jesus sa Cebu City nitong Huwebes.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, napanood ang video ng babae nang hampasin niya ang isang pulis na nagpapakalma sa kaniya.
Bukod sa pananakit at pandudura sa mga deboto, nanira pa umano ng motorsiklo ang babae, ayon sa pulisya.
Umamin ang babae sa kasalanan na nagawa raw niya dahil sa labis na kalasingan, ngunit itinanggi niya na may sinaktan siya.
“Hindi na ako nakapagpigil. May sinipa akong isang tao, may dinuraan. Hindi ko na kasi alam ‘yun eh,” sabi ng babae.
Dahil sa kalasingan, hindi na umano nakontrol ng babae ang kaniyang sarili nang lapitan at sitahin ng mga awtoridad.
“Kasi lasing na kami nu’n eh. Tumatawa pa nga kami. Tapos hinampas-hampas ko ‘yung kaibigan ko, akala nila may sinasaktan ako na tao kaya du’n ako nahuli,” dagdag pa niya
“Hindi naman kasi ako sanay uminom. Nagawa ko lang naman uminom dahil mayroon akong anxiety. Tapos hihingi lang sana ako ng [tawad] dahil sa sasakyan na na-damage. Hindi ko talaga sinasadya ‘yun,” patuloy niya.
Sinabi ng babae na isa siyang vlogger mula Bacolod at nag-aaral ng abogasya sa Cebu City.
Nakiusap ang babae sa mga awtoridad na huwag siyang sampahan ng kaso dahil makakaapekto ito sa kaniyang pag-aaral.
Nag-public apology rin ang babae.
“Hihingi lang po ako ng tawad kasi hindi ko naman ‘yun sinasadya. Hindi lang naman ako siguro ‘yung tao na ganiyan,” sabi ng babae.
Kung hindi tatanggapin ang kaniyang paumanhin, posible siyang makasuhan ng damage to property at resistance and obedience to a person in authority. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
