Para umano makaganti dahil sa ginawang pag-kick out sa kaniya, sinasabing sinunog ng isang 18-anyos na lalaki sa ikalawang pagkakataon ang paaralan na dati niyang pinapasukan sa Tagum, Abra. Ang lalaki, pinatalsik daw dahil sa pagiging pasaway na mag-aaral.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing abo na lang ng mga libro, computer units at ilang pang gamit ang natira sa nasunog na computer room ng Gaddani National High School sa Tayum.

Nadakip naman kinalaunan ang dating estudyante ng paaralan na si Lenard Patacsil, 18-anyos, na umamin umano sa ginawang kasalanan.

Ito na raw ang pangalawang beses na sinunog ni Patacsil ang paaralan, na na-kick-out dahil daw pagiging pasaway.

Ayon sa guro na si Constantino Rapisora, sinibak sa paaralan si Patacsil dahil sa iba't ibang kasalanan tulad ng pagpasok ng lasing, pagka-cutting classes, at iligal na pag-akyat sa iba pang gusali ng eskwelahan, at ang ginawang unang panununog.

Sinabi sa ulat na inamin ni Patacsil ang kasalan para umano makaganti sa ginawang pagsipa sa kanya sa paaralan.

Pero napag-alaman din na bago niya sinunog ang computer room, nagnakaw muna ito sa isang tindahan kung saan may nakuha siyang pera, ilang kaha ng sigarilyo, at isang bote ng gasolina na ginamit niya sa pagsunog.

Gumamit din umano siya ng marijuana bago gawin ang paghihiganti sa paaralan.

Pinagsisihan na raw niya ang kaniyang nagawa pero patong-patong na kaso ang kaniyang kakaharapin. -- FRJ, GMA News