Nagmakaawa sa kaniyang ina ang isang 20-anyos na lalaki habang nasa loob ng piitan para huwag siyang tuluyang ipakulong. Ang suspek, dinakip ng mga pulis dahil sa reklamong pangmomolestiya sa sariling ate sa Mandaue City sa Cebu.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing ipinaaresto ng ina ang kaniyang sariling anak dahil pinagtangkaan nitong gahasain ang nakatatandang kapatid na babae sa kanilang bahay.
Batay sa imbestigasyon, bigla raw pumasok sa silid ng 22-anyos na biktima ang nakababatang kapatid na suspek nitong madaling araw ng Miyerkules.
Sinabi ng ina na hinipuan daw ng suspek ang kaniyang anak na babae at hinawakan sa maselang bahagi ng katawan.
Sinubukan pa raw ng suspek na anak na hubarin ang shorts ng biktima pero nakapalag ito at tumakabo palabas ng kuwarto para magsumbong sa kanilang nanay.
Pero mariing itinanggi ng suspek na ginahasa niya ang kaniyang ate.
Sa halip, idinahilan ng suspek na tumabi lang siya sa kaniyang kapatid habang natutulog.
Ayon sa ina, bata pa lang ang suspek ay nalulong na ito sa pagsingkot ng "sealant" o ang ginagamit na pangtapal sa bubong.
Ilang beses na raw nila itong pinagsabihan pero hindi nakikinig. Ngunit hindi umano inakala ng ina na magagawa ito na pagtangkaan ng masama ang sarili kapatid.
Nakatakdang sampahan ng reklamo ang suspek. -- FRJ, GMA News
