Nauwi sa basagan ng mukha ang agawan sa pasahero at pagsingit sa pila ng dalawang tricycle driver sa Dagupan City sa Pangasinan.

Pero bago pa lumalala ang suntukan na nangyari sa Jovellanos Street, naawat na ng mga tauhan ng Public Order and Safety Office (POSO) ang mga tricycle driver na sina Jeffrey Gonzales at Michael Glenn Elegado, ayon sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules.

Gayunman, nagtamo ng sugat sa pisngi si Gonzales.

"Binabawalan kong sumisingit siya, sumisingit pa rin, tinatawanan pa niya ang POSO," ayon kay Gonzales.

Inamin naman ni Elegado ang pagsingit sa pila pero katwiran niya, "Oo, sumingit ako madam. Kakain na sana madam, kakain na kami ng pananghalian na eh."

Sinabi ng Tricycle Operators and Drivers Association o TODA na madalas daw ireklamo si Elegado dahil sa panlalamang nito sa pila.

"Ang dapat diyan bigyan ng leksyon 'yan... dapat masuspinde rito para hindi siya pamarisan ng ibang drayber," ayon kay Joven Daliaoan, Presidente ng Jovellanos TODA.

Sa huli, umiral ang lamig ng ulo at napagbati rin ang dalawang driver.

"Huwag na silang sumingit kasi sila-sila lang naman dyan ang naka-pila eh, para wala na silang away," payo ng POSO enforcer na si Marlon Calumpiano.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News