Nagimbal ang mga kaanak at kapitbahay ng mag-live in partner sa Consolacion, Cebu nang tumambad sa kanila ang nakaupong bangkay ng 25-anyos na biktimang babae na wala na ang ulo.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Lunes, sinabing nangyari ang karumal-dumal na krimen nitong Linggo ng umaga sa bahay ng biktimang si Lovely Jane Quiño, sa Barangay Tayud sa Consolacion, Cebu.

Paupong natagpuan ang pugot na labi ni Quiño sa kusina ng kanilang bahay, at nakita 'di kalayuan sa kaniyang katawan ang kaniyang ulo.

Suspek sa krimen at napatay ng mga rumespondeng pulis ang 27-anyos na kinakasama ng biktima na si Dominic Pahugot.

Kuwento ng lola ng biktima, naririnig niyang nag-aaway ng dalawa pero hindi niya inakalang napatay na pala ni Pahugot ang kaniyang apo.

Nang dumating ang mga pulis, nagtangka raw tumakas at manlaban si Pahugot na may hawak na dalawang itak kaya nila napatay.

Naging pakay din umano ng Oplan-Tokhang si Pahugot dahil lulong daw ito sa iligal na droga, at nakulong na rin noon dahil sa pagsisimula ng gulo. -- FRJ, GMA News