Inaresto ng mga pulis ang isang ama na naglibing ng namatay niyang sanggol sa kanilang bakuran sa Bacoor, Cavite nitong nakalipas na linggo.
Sa ulat sa Unang Balita, namatay ang sanggol noong Oktubre 3 at inilibing siya ng kanyang ama sa sarili nilang bakuran noong Oktubre 6.
Hindi umano ipinagbigay-alam ng ama ng sanggol ang paglilibing sa kanilang sariling bakuran na isang paglabag sa Presidential Decree 856 o ang Code on Sanitation of the Philippines.
Nang malaman ng mga awtoridad, agad ipinahukay ang bangkay ng sanggol at isinailalim sa awtopsiya.
Nahaharap sa kasong paglabag sa sanitation code ang ama ng sanggol.
Sa Section 90 ng Code on Sanitation of the Philippines, bawal ang basta na lamang maglibing ng bangkay ng tao sa ibang lugar bukod sa sementeryo o mga lugar na itinalagang libingan.
Ayon sa sanitation code, ang lugar na itatalagang libingan ay may 25 metro dapat ang layo sa mga kabahayan. Bawal ding magtayo ng bahay sa loob ng itinalagang 25-metrong distansya.
Hindi rin puwedeng gawing libingan ang mga lugar na may layong 50 metro sa mga ilog at pinagkukuhanan ng suplay ng tubig. —ALG, GMA News
