Nakunan ng video ang isang motoristang galit na galit na sinigawan ang isang taxi driver hanggang sa sipain niya ang sasakyan ng huli at binasag ang salamin sa pamamagitan ng paghampas ng bato sa Cebu City.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, makikita sa cellphone video ng Youscooper na si "Cai" ang biglang pagtigil ng isang AUV sa harap ng sinasakyan nilang taxi.
Bumaba ang driver ng AUV at inikutan ang taxi at pinagtatadyakan ang salamin nito.
Hindi nagtagal, kumuha ng bato ang lalaki sa gilid ng kalsada ang hinampas at binasag ang salamin sa bahagi ng taxi na nasa tapat ng driver.
Dito na lumabas ng taxi ang Youscooper at mga kasama niya, at pati na ang taxi driver sinuntok at munura pa rin ng nagwawalang lalaki.
Ayon sa Youscooper, hindi niya alam kung bakit biglang nagwala ang motorista dahil nasa tamang linya naman daw ng kalsada ang sinasakyan nilang taxi.
Gayunman, nasagi raw ng taxi ang hulihang bahagi ng AUV nang biglang magpreno ang huli.
Hinala ng Youscooper, baka inakala ng driver ng AUV na nakikipag-unahan sa kaniyang ang taxi driver.
Naireport na ng mga biktima sa pulisya ang nangyari at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng driver ng AUV. -- FRJ, GMA News
