Isinugod sa ospital ang 13 estudyante sa Davao City dahil sa pagsama ng pakiramdan matapos umanong kumain ng kwek-kwek na binili nila sa canteen ng kanilang paaralan.
Sa ulat ni Real Sorroche sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabi ng mga mag-aaral na sumakit ang kanilang ulo, tiyan at nagsuka matapos na kumain ng kwek-kwek noong Miyerkules.
Ilan sa mga estudyante ang nakalabas na ng ospital.
Ayon naman sa isang magulang ng eskwalahan, nangako umano ang paaralan na ito na ang sasagot sa pagkakaospital ng mga bata. iniimbestigahan na ng city health office ang insidente.
Hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri sa food sample para malaman kung na-food poison ang mga biktima at kung kwek-kwek ang dahilan ng pagsama ng kanilang pakiramdam.
Sinabi sa ulat na hindi nagbigay ng pahayag ang paaralan kaugnay sa nangyaring insidente. -- FRJ, GMA News
