Wala nang buhay at walang suot na damit nang matagpuan ang katawan ng isang batang babae sa isang bakanteng lote sa Davao City.

Sa ulat ni Real Sorroche sa GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing nakita ang mga labi ng anim na taong biktima na si Leah Beah Lucero sa Lanang, Davao City.

Hinihinalang ginahasa pa ang biktima dahil wala siyang saplot na pang-itaas nang makita.

Unang ini-report na nawawala si Lucero noong Linggo matapos hindi makauwi ng bahay.

Noong una, inakala ng mga kaanak ng biktima na naglalaro lang sa labas ng bahay ang bata.

Nitong Martes, nagpunta ang tiyahin ng biktima na si Belen Montales, sa bahay ng lolo at lola ng bata para alamin kung doon nagpunta ang biktima.

Pero wala doon ang bata at nakatanggap siya ng masamang balita sa kaniyang pag-uwi.

"Nang pauwi na ako, nakatanggap na ako ng tawag na patay na ang bata," aniya.

Sabi ng isang saksi, huli niyang makitang buhay noong Linggo kasama ang laborer na si Ariosto Lumayas, nakipag-inuman sa tiyuhin ng biktima nang araw na iyon.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, inutusan umano ng suspek ang biktima na bumili ng kape at pagkaraan ay umalis din umano ito nang nagpaalam sa mga kainuman.

Inaresto si Lumanas sa follow-up operation pero kinalaunan ay pinakawalan din, at dinakip naman ang tiyuhin ng biktima na si Edgar Lucero.

Ginawa ito ng pulisya matapos makita umano sa CCTV footage na si Edgar ang huling kasama ng biktima bago nakita ang bangkay ng bata. -- FRJ, GMA News