Dalawang saksak ang tinamo ng isang babae sa Davao City matapos siyang holdapin ng dalawang lalaki na tumangay sa kaniyang cellphone at pera.

Ayon sa ulat ni Real Sorroche sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing pauwi na galing sa tindahan ang biktimang si Pauline Ortiz nang sundan siya ng dalawang salarin at hinoldap sa Dacudao Avenue sa nabanggit na lungsod.

Kinuha ng mga salarin ang cellphone at pera ng biktima at sinaksak sa braso at likod.

"Ang babae, gumagapang na at humihingi ng tulong," anang saksi na tumulong sa biktima.

Dinala sa ospital ang biktima gamutin ang tinamong mga saksak.

Ayon sa pulisya, may mga suspek na silang hinahanap na positibong kinilala sa "rouge's gallery "

Samantala, patay naman ang nagpaparenta ng mga padyak sa Davao City pa rin matapos saksakin ng isang lalaki.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Seron, habang nadakip naman ang salarin na si Arnel Pitan.

Ayon kay Pitan, pinagbantaan daw siya ng biktima na ipapasok sa kabaong kaya inunahan na raw niya ito.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang ugat ng alitan ng dalawa. -- FRJ, GMA News