Nadakip na ang suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang babaeng pulis sa Cebu noong Martes. Ang suspek, sinasabing dating karelasyon ng biktima.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nadakip ang suspek na si Felix Taytayan, 32-anyos, sa Bantayan Island.
Itinuro umano ng tatlong saksi si Taytayin na huling kausap ng biktimang si Police Officer 1 Mae Sasing na binaril habang sakay ng motorsiklo sa Barangay Basak sa Mandaue City noong gabi ng nakaraang linggo.
BASAHIN: Babaeng pulis, patay sa pamamaril ng riding in tandem sa Cebu
Para kay Senior Superintendent Roberto Alanas, Director ng Mandaue City Police, malakas ang kaso nila laban sa suspek.
"They positively pinpointed that the same person na nakita nila doon sa crime scene is the same person noong nahuli at dinala namin na ipinakita in the actual," anang opisyal.
Itinuturing crime of passion ang krimen dahil magkaklase umano noon sina Sasing at Taytayan sa kursong Criminology at nagkaroon ng relasyon.
Sinasabing gusto ni Taytayan na pakasalan si Sasing pero tumanggi ang biktima.
Hindi na nagbigay ng pahayag sa harap ng camera si Taytayan pero itinanggi niya ang paratang laban sa kaniya.-- FRJ, GMA News
