Patay ang isang pulis nang pagbabarilin ng mga nakatakas na salarin sa Davao City. Nangyari ang krimen matapos na ihatid ng biktima ang kaniyang asawang guro.

Sa ulat ni Sheillah Vergara-Rubio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Police Officer 3 Wilfredo Bansag Garol, na nakadestino bilang intelligence officer sa Davao City-Baguio Police Station.

Kakahatid lang umano ng biktima sa kaniyang misis nang tambangan siya ng mga salarin sa Barangay New Valencia.

Kinuha rin ng mga salarin ang motorsiklo at bag ni Garol.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung sino ang nasa likod ng krimen at ang kanilang motibo.-- FRJ, GMA News