Nasawi ang tatlong batang magkakapatid nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Bacolod City. Napag-alaman na ikinakandado ng ama ang pinto ng bahay kapag pumapasok ito sa trabaho bilang barangay tanod.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Mary Auxencia, Ajericho, at Arthur Diloy, na nasa edad dalawa hanggang apat na taong gulang.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, posibleng na-suffocate ang mga biktima sa kapal ng usok na dulot ng sunog.

Lumitaw sa imbestigasyon na naiwan sa loob ng kanilang bahay ang tatlong bata at ikinando raw ng kanilang ama ang pintuan bago ito pumasok sa trabaho bilang barangay tanod.

Nang sumiklab ang sunog, mabilis na kumalat ang apot dahil gawa sa light materials ang bahay.

Nagtulong-tulong ang mga residente at bumbero para mapatay ang apoy pero hindi na nailigtas ang mga bata.

Labis ang pagsisisi ng ama ng mga bata sa nangyari.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang pinagmulan ng sunog. -- FRJ, GMA News