Patay ang isang retiradong pulis matapos siyang pagbabarilin ng mga holdaper na kaniyang pinalagan sa Lipa City, Batangas.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Supremo Casabuena, na binaril sa sa loob kaniyang bahay.
Batay sa imbestigasyon, sakay ang biktima ng multicab kasama ang kaniyang asawa at kakauwi pa lamang nila, nang biglang dumating ang dalawang armadong lalaki.
Nagdeklara ng holdup ang mga salarin, ngunit nanlaban si Casabuena kaya siya pinaputukan.
Tumakas ang mga suspek sakay ng mga motorsiklo, na bitbit ang bag ng kaniyang asawa na may laman na nasa P6,000, credit card, at cellphone.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktima.
Samantala sa Butuan City, Agusan del Norte, natagpuan sa Agusan River ang isang bangkay ng lalaki na nakasilid sa sako.
Sinabing isang magsasaka raw ang nakakita sa sako na lumulutang sa ilog, at nagulat siya nang buksan niya ito dahil bangkay pala ang nakasilid.
Suot ng biktima ang itim na pantaas at shorts, at tinatayang siya'y nasa 30 hanggang 35 taong gulang.
Puno ng mga pasa ang kaniyang bangkay at ang mukha ay tila pinukpok ng matigas na bagay.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa pagkakilanlan ng biktima.
Sa Isabela, Basilan naman, arestado ang dalawa umanong drug dealer sa isang buy-bust operation.
Ang mga suspek daw ay nagbabagsak ng droga sa ilang barangay sa mga karatig na lalawigan.
Tinatayang aabot sa P25,000 ang halaga ng mga pakete ng shabu na nakuha sa mga suspek.
Nakuha rin sa kanila ang cellphone na ginagamit umano nila sa pakipagtransaksyon. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
