Natagpuang nakasiksik sa pagitan ng isang nitso at musoleyo ang duguang bangkay ng isang 15-anyos na babae sa Cavite City. Sinasabing ginahasa ang biktima at nakitang may mga kagat pa sa maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman Sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing nakita na nakadapa at walang saplot pang-ibaba ang bangkay ni Shaynadyn Alejo sa Himlayang Caviteño.

Wasak din ang kaniyang mukha na palatandaan na hinampas siya ng matigas na bagay. May mga bakas din ng dugo sa semento patungo sa lugar kung saan nakita ang kaniyang bangkay.

Base sa resulta ng awtopsiya sa mga labi, lumitaw na ginahasa ang dalagita.

Nadakip naman sa follow up operation ang 17-anyos na suspek na huling kasama umano ni Alejo bago nakita ang bangkay ng biktima.

Inamin umano ng binatilyo sa pulisya ang krimen at nagturo pa ng kasama na siyang pumalo umano sa biktima.

Pero hindi naniniwala ang pulisya sa ginawang pagtuturo ng suspek. 

"Kung dalawa yung suspek, siguro dapat bubuhatin [ang biktima] eh hindi. Yung kasing blood stain dun may mga indication talaga na hinila lang yung victim," ayon kay Police Officer 2 Armangel Genuino, Cavite City Police.

Nanawagan naman ang pamilya ng biktima na mabigyan ng hustisya ang biktima na inilarawan ng kaniyang lola na mabait at palakaibigan. -- FRJ, GMA News