Dahil umano sama ng loob, pinatay sa taga ng isang anak ang sarili niyang ama sa loob ng bahay sa Silay, Negros Occidental.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Ricky Tormes. Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Ryan Tormes matapos gawin ang krimen.

Base sa imbestigasyon, pinasok ni Ryan sa bahay ang natutulog na ama at saka pinagtataga.

Sinasabing masama ang loob ni Ryan at sinisisi ang ama sa pagkamatay ng kaniyang ina, na pumanaw sa sakit na hypertension.

Napag-alaman din na nasabi umano ng suspek sa ilang kaibigan ang masamang plano nito sa ama pero hindi raw nila inakalang tototohanin ang banta.

Nahaharap sa reklamong parricide ang suspek. -- FRJ, GMA News