Nauwi sa trahediya ang away ng magkapatid na lalaki sa Cagayan de Oro City matapos humantong sa pananaksak at pagkasawi ng isa ang kanilang pagtatalo na nag-ugat sa nawalang gagamba.

Sa ulat ni R-Gil Relator sa  GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, labis ang pagdadalamhati ng pamilya Barcelona sa pagkamatay ng kaanak nilang si Rey, at nakakulong naman ang mas bata nitong kapatid na si Francis.

Nasaksak umano ni Francis ang kaniyang kuya na si Rey matapos siyang hampasin nito ng kahoy nang magkaroon sila ng pagtatalo sa kanilang bahay sa Barangay Tablon sa nabanggit na lungsod.

Nag-ugat daw ang diskusyon ng magkapatid nang mawala ang gagamba ni Francis na pinakialaman umano ni Rey.

Ayon sa ina ng dalawa, naitapon umano ni Francis ang patalim na ginamit kay Rey nang makita niyang may dugo ito dahil sa labis na pagkagulat sa kaniyang nagawa.

Labis ang pagsisisi ni Francis sa kaniyang nagawa sa kapatid.

Bagaman ayaw na ng ina na kasuhan pa ang nakakulong na anak dahil sa awa, itutuloy pa rin umano ng pulisya ang pagsasampa ng kaso sa piskalya para ito ang magpasya. -- FRJ, GMA News