Nasawi ng dalawang rider matapos na magkabanggaan ang minamaneho nilang mga motorsiklo at pagkatapos ay mahagip pa ng isang Sport Utility Vehicle (SUV) sa San Fabian, Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmien Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na sakuna sa Barangay Cayanga dakong 11:00 pm nitong Miyerkoles.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang isang motorsiklo nasa gilid ng kalsada habang naghihintay ng pagkakataon na makadaan ang ibang mga sasakyan para siya makatawid.
Pero nang umarangkada na siya, dumating naman ang isa pang motorsiklo na mabilis ang takbo at nagkasalpukan ang dalawang rider.
Tumilapon ang dalawa sa kabilang bahagi ng kalsada kung saan dumating naman ang isang SUV at nahagip ang dalawang nakahandusay na rider na edad 20 at 48.
Ayon kay Police Captain Leofrey Sapi, Deputy chief ng San Fabian Police Station, nadala pa sa ospital ang mga biktima pero hindi na sila umabot nang buhay.
Inihahanda ang posibleng reklamo na isasampa laban sa nakadetineng driver ng SUV, na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag. – FRJ GMA Integrated News
