Ibinahagi ng dating manager na si Joy Cancio na dati siyang nalulong sa casino, na nakaapekto sa pakikitungo niya sa mga alaga niyang SexBomb Girls. Ikinuwento rin niya kung papaano siya muling bumangon sa naturang pagkakamali.
Sa guesting nila ni Jopay Paguia sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy si Joy kung minsan din ba siyang nasilaw sa kasikatan ng Sexbomb na hinahawakan niya noon.
“Parang ang lungkot ng buhay ko. Lahat, binibigay ko 'yung oras ko para magkaroon sila ng shows. Tapos nag-produce ako ng ‘Daisy Siete’, kasi na-experience ko rin 'yung pag-taping nila na ang liit lang naman ng talent fee, kulang pa sa bayad kasi kukuha ka pa ng commission. So sabi ko, tutal may naiipon naman, ba't hindi ako mag-produce?” kuwento ni Joy.
Noong mas nakilala pa raw ang Sexbomb, inalala ni Joy na tila siya pa ang naging masama sa paningin ng publiko, at nasaktan ang kaniyang damdamin.
“Tapos at the end of it, sumisikat na, nagkakapangalan na, ako na 'yung masama. Parang gano'n, mas malaki daw 'yung kita ko, ‘yon 'yung nakikita ko sa mga news. Parang nasaktan ako in a way, parang nag-rebelde,” patuloy niya.
Dahil dito, hindi niya maiwasang mag-casino.
“Hanggang nakita ko, na-meet ko itong si One-Armed Bandit (slot machine) sa casino. So nalulong ako doon, ‘yon 'yung masamang-masamang ginawa ko sa buhay ko,” sabi niya.
“Parang natutuwa ako kung naka-jackpot,” kuwento pa ni Joy. “Kasi nag-iisa lang ako, dala ko lang 'yung machine, kami lang dalawa. Pero kaso, ‘pag natatalo ka na, gusto mong bumawi. Talagang ano eh, evil works talaga.”
“Parang kang na-addict, ayaw mong tumayo. Pero walang katapusan, nanalo ka, ayaw mo pang umalis,” sabi pa niya.
Dahil dito, naapektuhan ang pakikitungo niya sa SexBomb Girls, kabilang na ang pagiging modelo dapat niya sa mga alaga.
“First, 'yun siguro, 'yung laging mainitin ang ulo. Second, of course, hindi magandang example na sa kanila. Kasi kahit naman sila, ‘pag meron silang idle time, ‘pag nakikita ko sa dressing room nagto-tong its, ‘Tigilan yan!,’” kuwento niya.
“Sinisipa ko 'yung cards, ‘Bawal ang cards! Wala pa kayong mga pera, nagsusugal na kayo!’” pag-alaala pa ni Joy.
Kalaunan, natuklasan niya na ang kaniyang pagkakamali.
“Actually, gumive (give) up ako eh. Pero nu’ng naramdaman ko na 'yung ginawa kong hindi tama, nanikip ang dibdib ko, I took a bottle of antihistamine to just sleep. Nanikip ang dibdib ko, naku, doon ko tinawag ang Panginoon nanghingi ako ng tawad. Sabi ko, ‘Lord, forgive me for what I have done,’” ayon kay Joy.
Dahil dito, dinala siya sa ospital, at doon siya nagsisi sa kaniyang ginawa.
“Hanggang napunta ko sa emergency room, na-ICU ako, 'yung lagi kong sabi, Lord, forgive me for what I have done. And I'm so grateful to the Lord kasi ito na 'yung second life ko,” patuloy niya.
“And I know, hindi ko pinagsisisihan kasi ito pala 'yung way para maging malapit ako sa Panginoon. Lahat tayo naman may purpose. So 'yung choice na lang natin kung ayaw niyo ayaw niyo magbago, o gusto niyo magbago,” sabi pa niya.
Pagsegundo ni Jopay: “Dadaan ka talaga sa mga pagkakamali. Si Lord kasi hindi naman 'yung perfect [na tao] ang [tinatawag] Niya, 'yung sinners eh. So nandu’n sa point na ‘yun si Ate Joy. Pero 'yung ikinaganda kasi kay Ate Joy, nag-surrender po kasi siya in-accept niya 'yung mali niya. Nag-sorry siya to sa mga taong nasaktan niya.”
“'Yun kasi pinaka importante rin. Nandoon na lang ‘yun sa mga tao kung papatawarin siya o hindi. It's between them and God na lang talaga,” dagdag niya.—FRJ GMA Integrated News
