Matapos ang 17 araw na pananatili sa tuktok ng niyog, bumaba na rin ang isang lalaki sa Puerto Princesa sa lalawigan ng Palawan.

Sa ulat ni Rod Evangelista sa "Dobol B sa News TV" nitong Miyerkoles, kinalala ang lalaki na si Sabino Diño, 52, dating seaman.

Ayon kay Diño, umakyat siya sa niyog dahil marami umano ang gustong pumatay sa kaniya. 

Tanging buko at pagkaing iniaabot sa kanya sa pamamagitan ng lubid ang ikinabubuhay ni Diño sa loob 17 araw na pananatili sa tuktok ng niyog.

Bumaba lamang ito nang makumbinse ng kanyang dalawang anak na nag-aaral sa Maynila, na umuwi nang mabalitaan ang kalagayan ng kanilang ama. 

Umakyat si Diño sa niyog noong ika-3 ng Enero.  Hindi makumpirma ng ulat kung gumagamit ito ng droga.

Agad namang pinatingnan sa doktor si Diño nang makababa ito. Sinusuri na ang kalagayan ng pag-iisip nito. —LBG, GMA News