Muntik nang masunog ang isang bahay sa Olongapo City matapos na magliyab ang nabasang outlet na nasa sala dahil sa walang tigil na pag-ulan sa lugar.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita na napuno ng usok ang sala matapos na magliyab ang outlet na short circuit umano matapos na mabasa.

Ang amoy-sunog na nilikha ng insidente ang gumising sa mga tao sa bahay at mabuting kaagad nilang naapula ang apoy.

Ayon sa may ari ng bahay, nakasaksak sa outlet ang isang extension cord para sa electric fan kaya nasunog din ang plug sa extension wire at ang katabi nitong switch.

Nabasa daw ang pader na kinalalagyan ng outlet dahil sa patuloy na pag-ulan sa lugar.

Ang Bureau of Fire Protection, nagbigay ng tips para maiwasan ang sunog at maging ligtas sa pagkakakuryente sa ganitong panahon.

  • Tiyaking tuyo at malayo sa tubig ang electrical appliances
  • Iwasan magsaksak o gumamit ng appliances kung binaha ang bahay
  • Iwasang hawakan ang electrical appliances kung basa ang kamay
  • Laging i-check ang electrical wire at appliances at agad palitan ang mga sirang kable
  • Iwasan ang overloading sa mga outlet

--FRJ GMA News