Naputulan ng isang kamay ang isang pulis matapos siyang tagain ng isang lalaking nagwawala sa San Jose, Camarines Sur. Ang biktima, nagawa pa ring daganan at arestuhin ang suspek na sugatan din matapos barilin ng iba pa niyang kasamang pulis.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, sinabing rumesponde ang mga pulis sa isang bahay sa Barangay Calalahan nitong Sabado upang payapain ang suspek na armado ng itak.
Ayon kay Police Major Glenn Loquias, hepe ng San Jose Police Station, pakakalmahin sana ng mga pulis ang sitwasyon at kakausapin ang suspek pero bigla nitong inatake ng taga si Police Staff Sergeant Noli Miraña.
Sinalag ng biktimang pulis ang pagtaga ng suspek at tinamaan ang isa niyang kamay kaya ito naputol.
“Wala na pong nagawa yung [ibang] kasamahan po niya, napilitan pong paputukan yung suspek para matigil yung pag-atake.
Kahit naputol ang isang kamay, nagawa pa ring daganan ni Miraña ang sugatang suspek na pinagbabaril ng kaniyang mga kasamahan upang hindi na makakilos at tuluyang maaresto.
Nagtamo ng tama ng bala sa tiyan ang suspek na dinala sa pagamutan. Napag-alaman na dati nang may kasong alarm and scandal ang suspek.
Kakasuhan siya ngayon ng frustrated murder at direct assault.
Ayon din sa pulisya, nagtamo rin si Miraña ng sugat sa mukha. Naoperahan na siya at naikabit ang naputol na kamay.
Kinilala naman ng Napolcom ang ginawang sakripisyo at katapangan ni Miraña, na patunay umano ng panganib na sinusuong ng mga pulis sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Tiniyak ng Napolcom na makatatanggap si Miraña at pamilya niya ng tulong habang nagpapagaling ang pulis.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang nasugatang pulis, at mga kaanak ng suspek, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
