Nauwi sa engkuwentro ang operasyon ng mga awtoridad kontra sa bentahan ng ilegal na baril sa Pagadian City, Zamboanga del Sur. Nagresulta ito sa pagkasawi ng tatlong tao, kabilang ang isang pulis.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang engkuwentro nitong Linggo, August 23, 2026.
Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang nasawi nilang tauhan na si Police Major Aiman Khuzaimah Pantaran, intelligence officer na nakatalaga sa Pagadian City Police Station.
Ayon sa pulisya, nagpaputok umano ang mga target ng operasyon matapos nilang mapansin na mga pulis ang kanilang katransaksiyon sa isinagawang buy-bust-operation.
Sa palitan ng putok, nagtamo ng tama ng bala sa dibdib ang isang pulis. Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Napatay naman sa lugar ng engkuwentro ang dalawang suspek.
Nagpaabot ng pakikiramay si PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. sa pamilya at mga kasamahan ni Pantaran. Aalamin din umano kung ano ang nangyari upang matiyak kung nasunod ang proseso sa operasyon.
“We recognize the ultimate sacrifice of our police officer and extend our deepest condolences to his family. At the same time, we will carefully establish what happened and ensure that the proper procedures are followed. Sa bawat operasyon, mahalaga ang tapang, pero kaakibat nito ang disiplina at pananagutan,” ani Nartatez. -- FRJ GMA News

