May kakaibang look si Dennis Trillo na dapat kaaabangan sa upcoming Kapuso action series na “Hari ng Tondo.” Tinitiyak din niyang hindi halos sila gumagamit ng kadobol pagdating sa mga maaksyong eksena.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing matatandaang nasanay ang mga Kapuso sa clean look ni Dennis sa mga nagdaan niyang series gaya ng Sanggang-Dikit FR, Maria Clara at Ibarra, at Pulang Araw.

Pero si Dennis, scruffy look naman ngayon sa upcoming Kapuso action series na “Hari ng Tondo.”

“Ang gaganda ng mga eksenang ginagawa namin doon, nakakatuwa katrabaho si Direk Enzo dahil grabe ‘yung pagtutok niya sa mga bawat characters ng show,” ani Dennis.

Makakasama ni Dennis sina Ruru Madrid, Rocco Nacino at marami pang iba.

Bukod pa rito, hindi halos sila gumagamit ng kadobol pagdating sa mga maaksyong eksena.

“Ngayon siguro ‘yung pinaka maaksyon talaga. Nag-prepare kami talaga dito lahat ng mga action sequences. Ginagawa namin nang actual para makita nila na talagang pinaghihirapan namin bawat eksena,” sabi ni Dennis.

Bukod sa “Hari ng Tondo,” magbabalik-studio rin si Dennis kasama ang asawang si Jennylyn Mercado para sa kanilang Co-Love na kanilang YouTube music channel.

“Malapit na magawa ‘yung studio namin. Ayun, mapapanood ulit na rin yung Co-Love. Makakagawa ulit kami ng mga contents ulit,” sabi niya.

Inihayag din ni Dennis ang kaniyang full-support sa bagong album ni Jen kung saan may kantang dedicated para sa Kapuso Drama King. —Jamil Santos/VBL GMA News