Kinumpirma ni Angelica Hart sa “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Biyernes na hiwalay na sila ni Andrew Muhlach, na kapatid ni Aga.
Sa pagbisita niya sa programa ni Tito Boy kasama si Buboy Villar, na co star niya sa GMA series na “Taskforce Firewall,” tinanong si Angelica tungkol sa estado ng relasyon nila ni Andrew matapos mapansin ng mga tagahanga ang pagiging tahimik nila.
“Opo Tito Boy, hiwalay na po kami,” sabi ni Angelica.
Gayunman, sinabi ng aktres na masaya ang naging relasyon nila ni Andrew at nananatili silang magkaibigan.
“It was so fun. Sobrang happy po ako, sobrang happy kaming dalawa. Lahat ng gusto naming gawin sa relasyon naming ginagawa naming,” kuwento niya.
Pero nang tumagal, nakita na umano nila ni Andrew ang pagkakaiba nila na may kaugnayan sa kanilang personalidad.
“Pero sa lahat naman ng bagay magkasundo kami. Pero nung time na naghiwalay kami, nag-usap kami ngayon mabuting magkaibigan kami,” dagdag niya.
Ayon kay Angelica, hindi naging isyu kay Andrew ang paggawa niya ng sexy projects.
“Actually nung naging kami ni Andrew wala na rin ako doon [sa pagpapa-sexy],” paliwanag niya.
Wala rin umanong third party o “gray” area na sangkot sa kanilang hiwalayan ni Andrew.
Napapanood ngayon sina Angelica at Buboy sa “Taskforce Firewall” kasama sina Miguel Tanfelix, Kyline Alcantara, Kylie Padilla, Luis Hontiveros, at Lexi Gonzales, mula Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 8:50 p.m. pagkatapos ng “The Master Cutter.” — Jade Veronique Yap/FRJ GMA News
