Naglaan ng P100,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Cainta, Rizal nitong Lunes para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang madakip ang bumaril at nakapatay sa isang deputy police chief ng munisipalidad.
Sa tweet ni GMA News reporter Mav Gonzales, kinilala ang tinutugis na suspek na si Ruben Gomez.
Cainta LGU is offering a 100,000-peso reward for information leading to the arrest of Ruben Gomez alyas Ruben Tae.
— Mav Gonzales (@mavgonzales) February 12, 2018
He was involved in an armed encounter with the police last night. He killed PS/Insp. Jimmy Senosin and injured an innocent bystander. @gmanews pic.twitter.com/D4GB9f4E3R
Sa panayam ng GMA News TV "QRT" nitong Lunes, sinabi ni Cainta police chief Superintendent Raynold Rosero na may impormasyon na sugatan si Gomez matapos makabarilan ang grupo ng nasawing si Senior Inspector Jimmy Senosin.
Ayon pa kay Rosero, rumesponde si Senosin kasama ang ilang pulis matapos na makatanggap ng impormasyon na may armadong lalaki sa Lakas Tao floodway nitong Linggo ng gabi.
"Nung tinawag ng concerned citizen na may armado doon sa lugar, di naman expected na 'yung armado na 'yun ito po 'yung sinu-surveillance namin last year pa. Agad-agad po ang aking deputy nagsama ng tatlong pulis. Pinuntahan nila 'yung lugar para i-confirm kung totoo nga po na mayroong armado, Sinawing palad may dalawa po pala na armado doon," kuwento ni Rosero.
Tumakbo umano ang mga suspek at tinugis ng grupo ni Senosin at doon na nagkaroon ng putukan.
Nakatakas ang mga suspek matapos na maghagis umano ng granada na hindi sumabog.
Tinamaan ng bala sa ulo si Senosin, at isang sibilyan din ang nasugatan.
"Nung naghabulan sila, nagpuputukan, binato po sila ng granada kasi sa eskinitang 'to masikip, sabi ng tao, 'Sir may granada, dapa.' Lahat sila nagdapaan. Nung tumayo na at di sumabog 'yung granada, agad-agad nilang niyayang bumagon si Senior Inspector Jimmy Senosin, problema po eh may tama na pala sa ulo," dagdag ni Rosero.
Ayon kay Rosero, kilabot na kriminal si Gomez sa sangkot sa mga nakawan at pagtutulak ng droga.
"Ito po ay miyembro ng highway boys. Ito po ay involved sa holdup at snatching at ganon na rin po 'yung pagbebenta ng pinagbabawal na gamot. May mga dati na ring kaso, illegal possession of firearms saka mga robbery-holdup," sabi ni Rosero sa hiwalay na ulat ng GMA News "Balita Pilipinas." -- FRJ, GMA News
