Arestado ang isang ginang sa Lapu-Lapu City, Cebu na kinukunan umano ng malalaswang video ang sariling tatlong-taong-gulang na anak para pagkakitaan sa cyber child pornography.
Sa ulat ni Pia Arcangel sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nadakip ang suspek sa kaniyang bahay sa Barangay Looc ng PNP Women and Children Protection Center.
Natagpuan sa kaniya ang ilang smart phones at money transfer transactions, ngunit itinanggi niya ang akusasyon.
"Hindi talaga ako gumagawa niyan. Kung nagkasala man ako ay pinapasa ko ang picture na hindi sa akin. Minsan katuwaan lang mag-offer sila kung gumagawa ba daw ako nang ganiyan," ayon sa suspek.
Nasa kustodiya na ngayon ng DSWD ang bata, ngunit hinihiling ng suspek na ibalik sa kaniya ang anak.
Mahaharap ang ina sa reklamong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.
Hindi ito ang unang insidente na ginagamit ng mga magulang ang kanilang mga anak sa cybercrime pornography.
Noong Nobyembre 2016, dinakip ang isang mag-asawa sa Lapu-Lapu City dahil sa parehong gawain. Ilang pagkakataon na rin na may nadakip sa Cordova, Cebu, dahil sa cyberpornography sa mga bata.
Dahil dito, nangamba ang UNICEF at sinabing ang Pilipinas ang nangungunang source ng child pornography.
Sinabi pa ng UNICEF noong Disyembre na walo sa 10 kabataang Pilipino ang nanganganib mabiktima ng online sexual abuse.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
