Sa selebrasyon ng kaniyang ika-31 taong kaarawan, inihayag ni Shaira Diaz ang kaniyang kahilingan na magkaroon na sila ng baby ni EA Guzman.
Sa episode ng GMA show na “Unang Hirit” nitong Lunes, ipinagdiwang doon ang kaarawan ni Shaira na isa sa mga host ng programa.
Inilahad ng host na binansagang Kapuso Morning Sunshine, na bukod sa maging malusog ang katawan ng kaniyang mga mahal sa buhay, ang magkaroon ng baby ang kaniyang hiling.
“Parang ready na,” ani Shaira. “Tara na. Ngayong taon, i-manifest natin ‘yan [na magka-baby].”
Nasa programa rin ang mister ni Shaira na si EA na inihayag din ang wish niya para sa kaniyang asawa.
“Hindi ko na papahabain pa, I wish na sana magka-baby na tayo soon,” ayon sa aktor.
Agosto 2025 nang magpakasal sina Shaira at EA, matapos na maging magkasintahan sila sa loob ng 11 taon.
Naging engaged ang dalawa noong 2021, pero isinapubliko lang nila ito noong 2024.— Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News
