Patay ang isang batang lalaki na dalawang-taong-gulang nang tumawid ito sa kalsada sa Davao City at dalawang beses na magulungan ng isang armored vehicle.
Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, makikita sa CCTV camera sa isang gusali sa San Pedro St., sa nabanggit na lungsod ang pagtawid ng bata na nakilalang si Luigi Pangantijon nitong Huwebes ng tanghali.
Bago ang trahediya, makikita muna na may dalawang babae ang tumawid sa kalsada at ang paparating na armored vehicle na bahagya lang ang bilis nang takbo.
Pagtawid ng dalawang babae, doon na tumawid ang batang biktima at nahagip ng armored vehicle.
Sa tindi ng tinamong pinsala sa katawan matapos na magulungan ng unahan at huling gulong, kaagad na nasawi ang biktima.
Huminto naman ang armored vehicle na minamaneho ni Gregorio Antonio Vito, Jr. Aniya, hindi niya napansin ang bata.
"Akala ko hihinto siya sir [armored vehicle] kasi nga tumawid kami. Nasa gilid lang kami pero dumiretso pa rin siya," anang ina ng biktima.
Nagkaroon pa ng tensyon nang may isang lalaking lumapit sa imbestigador at nakipagtalo dahil gusto niyang ipaaresto kaagad si Vito.
Tiniyak naman ng mga awtoridad na susundin nila ang proseso ng pagsasampa ng kaso kaugnay sa nangyaring insidente.
Tiniyak naman ng Dasia Security Agency, ang agency na may-ari ng armored vehicle, na tutulungan nila ang pamilya ng biktima. --FRJ, GMA News
