Arestado ang isang 18-anyos na lalaki na umano'y big time drug pusher sa Mindanao matapos siyang mahulihan ng aabot sa P6.5 milyon halaga ng shabu sa Laguna. Sa Quezon City naman, isang 18-anyos din na incoming senior high school ang naaresto sa buy bust operation.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, inaresto ng mga taga Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Mohammad Ontil sa Laguna, na kakalipat lang sa Dasmariñas, Cavite.
Sinabi ng PDEA na maraming tulak ang umaalis ng Mindanao dahil sa umiiral na martial law.
Itinanggi naman ni Ontil na pagmamay-ari niya ang shabu, at iginiit na kailangan lang niya ang pera para sa pag-aaral.
"Hindi po, nautusan lang po ako. kailangan ko ng pera eh para makapag-aral ako," sabi ni Ontil.
Kasalukuyang isinasagawa ng mga awtoridad ang follow-up operation para mahuli ang grupong kinabibilangan ni Ontil.
Samantala, arestado naman si Charles Tumaliwan sa Quezon City, incoming senior high school, matapos magpositibo ang police asset ng pagbili ng umano'y droga sa kaniya.
Nakuha mula kay Tumaliwan ang marked money, plastic na may lamang mga marijuana, at isang plastic ng hinihinalang shabu.Itinanggi naman ng suspek ang bintang na nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa Taytay, Rizal naman, isang babae na umano'y drug courier ang arestado rin nang mahulihan ng 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P680,000.
Kinilala ang suspek na si Marlyn Datalio, 40-anyos, na nadakip sa isinagawang entrapment operation sa Taytay, Rizal.
Sa video, makikita ang pagbaba ni Datalio sa isang taxi, na pumarada sa tabi ng isang puting SUV.
Bumaba si Datalio sa sasakyan saka lumipat sa SUV.
Matapos nito, lumipat din ang isang lalaki mula sa passenger seat ng SUV at pumasok sa gitna kung nasaan ang suspek.
Makalipas ang ilang minuto, nag-blink ang headlight ng sasakyan, senyales na naisagawa na ang buy bust operation.
Drug courier umano ang suspek na nasa likod ng sindikatong nag-ooperate sa Rizal at Southern Metro Manila.
Hindi gaanong umimik ang suspek at hindi raw niya alam na shabu ang kaniyang dala.
"Ang target natin dito, itong babae na naaresto na before sa Pasig in 2003 but after six years na dismiss ang kaso pero muling bumalik siya sa kaniyang pagtutulak," sabi ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, Regional Director, PRO4A.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
