Patay sa pananaksak ang isang tricycle driver sa Angeles City, Pampanga matapos siyang holdapin ng dalawa niyang pasahero. Ang biktima, nakatakbo pa pero hindi siya nilubayan ng mga salarin.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Felicisimo Sonza, na iniwang walang buhay sa Barangay Sta. Trinidad sa Angeles City.

Tinangay din ng mga salarin ang kaniyang tricycle at pera na aabot sa P3,000.

Sa kuha ng CCTV, nakita nakita si Sonza na tumalon sa kaniyang tricycle para tumakbo pero hinabol siya ng dalawang salarin at pinagtutulungan saksakin ng ice pick.

Matapos na matumba, tumakas ang mga salarin gamit ang tricycle ng biktima.

Sa tulong na rin ng CCTV, agad na naaresto ang mga suspek na sina Jamal Macarambon at Romar Pimentel.

Sa imbestigasyon, itinuro ng dalawa si Rowena Dizon na siyang nag-utos umano sa kanila na holdapin si Sonza dahil may dala umano itong malaking pera.

Nadakip din si Dizon pero itinanggi niya ang paratang at hindi umano niya kilala ang dalawa.

Napag-alaman ng mga awtoridad na suki ni Dizon si Sonza sa pagpapagasolina kaya posibleng nalaman daw ng suspek na may perang hawak ang biktima.

Nahaharap ang tatlo sa kasong robbery with homicide.-- FRJ, GMA News