Labis ang pighati ng mga magulang ng isang 25-anyos na babae na nakunan sa CCTV na dinukot ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Pampanga, at kinalaunan ay nakitang patay sa isang ilog sa Nueva Ecija.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nakitang palutang-lutang sa ilog ng barangay San Vicente sa Cabiao, Nueva Ecija ang bangkay ni Elizabeth Aguilar noong Biyernes.

Bago nito, nakita sa CCTV na dinukot at sapilitang isinakay sa pulang kotse ang biktima sa barangay Prado Siongco sa Lubao, Pampanga noong June 18.

"Bale kitang-kita naman sir 'yung pangyayari at nakuha naman lahat pati 'yung [kotse] naplakahan naman. Kaya lang, nung na-trace ng LTO [Land Transportation Office], plaka ng truck yung ginamit," sabi ni Edward Aguilar, ama ng biktima.

Tubong Sto. Tomas, La Union ang biktima pero sa Pampanga nagtatrabaho.

Blangko pa ang pulisya sa posibleng motibo ng mga salarin sa pagdukot at pagpatay sa biktima.

Sinabi naman ng ina ng biktima na wala silang kilala na kaaway ng kaniyang anak. Dagdag niya, maraming pangarap ang biktima at ito pa ang nagpapaaral sa dalawa niyang nakababatang kapatid.

Nanawagan ang pamilya ng biktima na tulungan silang mabigyan ng hustisya ang kanilang anak. —FRJ, GMA News