Mapalad na nakaligtas ang isang may-ari ng AUV na nayupi nang mabagsakan ng puno ng kalachuchi sa kasagsagan ng malakas na hangin at pag-ulan sa Dipolog City sa Zamboanga del Norte.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita, sinabi ng mga awtoridad na bandang 11 ng umaga noong Miyerkoles nang mangyari ang insidente.

Nasa restaurant noon ang may-ari nang bumagsak ang puno sa kaniyang kotse na nakaparada sa tabing-kalsada.

Walang nasaktan sa insidente.

Bumaha naman sa Dipolog Boulevard sa Dipolog City. Sa video ng Unang Balita, makikita ang naglalakihang hampas ng mga alon sa breakwater, na siyang nagpabaha sa naturang boulevard. Naging pahirapan ang pagdaan ng mga sasakyan.

Samantala sa Coronadal City, South Cotabato, isang barangay sa bayan ng Tampakan ang naapektuhan ng landslide matapos ang magdamagang pag-ulan.

Hindi pinadaan ang mga sasakyan sa isang seksyon ng daan dahil sa pagguho ng lupa.

Dahil din sa malalakas na alon, aabot sa 45 na mga bahay ang nasira sa Misamis Oriental.

Sa bayan ng Initao, na-wash out ang isang bahay, samantalang 20 tirahan ang naapektuhan sa bayan ng Jasaan.

Kasalukuyang nasa mga evacuation center ang mga naapektuhang residente.

Sa Cagayan de Oro City, nadaganan naman ng mga gumuhong lupa ang isang bahay. Mapalad na nakaligtas ang mga nasa bahay at agad nakalabas ang mga natutulog nang biglang magka-landslide.

Tinamaan ang kusina ng bahay at ang kalapit na poste ng kuryente.

Pinalilikas ng mga awtoridad ang iba pang mga residente sa lugar at kinansela rin ng DepEd ang klase sa ilang lugar ng lalawigan.

Sa bahaging Luzon, dahil din sa mga pag-ulan, umapaw ang tubig ng Almacen River sa Hermosa, Bataan na halos umabot na sa kalsada.

Nagtulungan sa paghanda sa pagbaha ang ilang guro at residente.

Pinasok naman ng tubig ang ilang tindahan at bahay. Ang masamang panahon ay dulot ng hanging Habagat nitong mga nakaraang araw. —Jamil Santos/LBG, GMA News