Halos walang natira kundi mga kahoy at yero matapos na masunog ang mahigit 400 bahay sa isang barangay sa Zamboanga City.
Ang sinasabing pinagmulan ng sunog, isang bahay na may tindang tingi-tinging gasolina.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing nangyari ang sunog sa Barangay Labuan ng nasabing lungsod.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection na naging pahirapan ang pagkilos ng mga bombero.
"Walang access road doon sa fire incident. Second, malakas 'yung hangin kasi along the seashore siya. Third, the crowd. The crowd cannot be controlled," sabi ni district fire marshall Superintendent Jhufel Brananola.
Kaniya-kaniyang hanap naman ang mga residente ng mga mapapakinabangan pang gamit matapos ang sunog.
Kasalukuyan silang nananatili sa mga evacuation center.
Samantala sa Bayawan City, Negros Oriental, tinupok din ng apoy ang tatlong tindahan.
Umabot ang alarma sa Task Force Delta sa laki ng apoy, at naapula lamang matapos ang mahigit apat na oras.
Walang nasawi o nasugatan sa insidente, at iniimbestigahan na rin ang pinagmulan ng sunog at ang halaga ng mga napinsalang ari-arian.
Umapoy din ang isang kable ng kuryente sa Tagbilaran, Bohol.
Habang tumatagal, mas lalong lumalaki ang apoy kaya nabahala ang mga residente.
Inayos naman ng mga tauhan ng Bohol Light ang nagliliyab na kable.
Dahil dito, pansamantalang nawala ang supply ng kuryente sa lugar. —NB, GMA News
