Kalunos-lunos ang sinapit ng apat na magkakapatid sa kamay ng sarili nilang ama sa Davao del Norte. Dahil umano sa galit sa kaniyang misis, pinagsasaksak ni mister ang kanilang mga anak na ikinamatay ng tatlo at ikinasugat ng bunso.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing magkakapatid na sina RJ Noynoy, 13-anyos; Cyrus, 11-anyos; at Aira Nicole, 7.
Nagpapagaling naman sa pagamutan ang bunso nilang kapatid na si Sophia,4-anyos.
Nasa ospital din at ginagamot ang suspek nilang ama na si Joel Nonoy, na nagtangkang magpakamatay matapos gawin ang krimen.
Ayon sa lolo ng magkakapatid na biktima, dakong 11:00 pm nitong Huwebes, nang may marinig siyang batang umiiyak sa bahay ng mag-aama sa Barangay San Isidro, Babak district, Samal Island.
Pero hindi raw nila kaagad pinansin ito at huli nang puntahan nila ang mga biktima na duguan na pati ang suspek.
Wala naman sa tahanan ang nanay ng mga bata nang mangyari ang krimen.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nagagalit ang mister sa kaniyang asawa dahil madalang na itong umuwi sa kanilang bahay.
Nagbanta rin umano ang mister sa kaniyang misis na may mangyayaring masama sa kanilang anak kapag hindi ito umuwi.
Bago mangyari ang krimen, nag-usap pa raw ang mag-asawa sa cellphone.
Nahaharap sa reklamong multiple parricide at frustrated parricide ang ama.-- FRJ, GMA News
