Apat na lalaking na hinihinalang pumatay at posibleng humalay sa isang babae na nakita ang bangkay sa ilog sa Dagupan City, Pangasinan ang inaresto ng mga awtoridad.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing naging susi sa pagdakip sa mga suspek ang mismong pinsan ng dalawa sa kanila.

Una rito, nakita sa Pantal river ang bangkay ni Reysha Vidal, 21-anyos. Hinihinalang hinalay ang biktima dahil wala itong saplot pang-ibaba nang matagpuan.

Hindi muna pinangalanan ng mga awtoridad ang mga suspek na kapitbahay lang din ng biktima.

Base sa salaysay ng saksi na pinsan ng dalawang suspek, nakita niya ang mga suspek sa lugar kung saan natagpuang patay ng biktima.

Narinig din umano niya ang pag-iyak ng biktima.

"Sa ngayon, yun ang pinanghahawakan natin kaya yung testigo natin, inaalagan natin. Sabi ko, 'wag kang matakot, bigyan natin ng justice yung nangyaring krimen dito mismo sa lugar niyo. Kasi kung magsasawalang-kibo kayo, hindi lang ito ang mangyayari, baka maulit-ulit ito sa sitio niyo, " sabi ni Police Superintendent Jandale Sulit, hepe ng Dagupan City Police.

Isasailalim sa drug test ang mga naarestong suspek pero pinabulaanan nila ang mga paratang laban sa kanila.

Ang pamilya ng biktima, umaasang makakamit kaagad nila ang hustisya.
Inihahanda na ang kasong rape with homicide laban sa mga suspek. -- FRJ, GMA News