Patay matapos raw maka-engkuwentro ng mga awtoridad ang isang 17-anyos na lalaki sa Rosales, Pangasinan.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Martes, pumunta sa Baguio City ang biktimang si Joshua Lacsamana noong Agosto 15 para lamang sumali sa isang kompetisyon ng online video game na DOTA.
Kasama niya noon ang dalawa pa niyang mga kaibigan na sina Julius Sebastian, 15-anyos, at Deo De Guzman, 19-anyos.
Makalipas ang anim na araw, natagpuan ng pamilya ang bangkay ni Joshua sa isang morgue. Base sa death certificate ng binata, hindi bababa sa apat na tama ng bala sa katawan ang kaniyang ikinamatay.
"Pinakamasakit na pagsubok ito pong nangyari sa anak ko, sobra-sobrang hirap," sabi ng ina ni Joshua na si Christine Pascual. "Hindi ko akalain ganyan 'yung ginawa sa anak ko."
Ayon raw sa mga awtoridad, talagang under-surveillance sina Joshua dahil umano sa pagkakasangkot ng mga ito sa ilang insidente ng nakawan sa bayan ng Rosales.
Noong Agosto 17, nahuli raw ng mga alagad ng batas sa isang checkpoint si Joshua na sakay ng isang motorsiklo. Sa halip na tumigil, pinaputukan daw ni Joshua ang mga pulis.
"'Kami po ay na-encounter ng anak n'yo, nanlaban po 'yung anak n'yo.' May motor, may baril na napaputukan pa daw sila," kuwento ni Christine na ayon sa salaysay ng pulis.
Subalit giit ng ina, hindi marunong magmotorsiklo ang anak at imposible rin daw itong magkaroon ng baril.
"Luma na pong style eh, nanlaban? May baril? Ano pa po bang... hindi na ba pwedeng baguhin? Eh paano po 'yan, napakasayang nu'ng batang pinatay nila," sabi ni Christine.
Ito rin ang nakarating na ulat sa hepe ng Pangasinan police na si Police Senior Superintendent Wilson Lopez: "Hindi ko po kayang sagutin po 'yung sinabi ng mga magulang po niya, basta ang nakakarating po na report po sa akin, 'yun nga po, naghabulan po sila."
Patuloy namang nawawala ang kasama ni Joshua na si Julius, samantalang si Deo naman ay nakauwi pa sa kanilang tahanan. Kuwento ni Deo, humiwalay raw ng lakad sina Joshua at Julius pagdating nila sa Pozzorubio.
"Ayaw po nila matulog sa daan kasi nga po pagod na pagod na, sobra na sa paglalakad," sabi ni Deo.
Plano namang dumulog ng naulilang pamilya ni Joshua sa Commission on Human Rights (CHR) upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng binatilyo na mabait raw na anak at kailanma'y hindi nagpabaya sa mga responsibilidad niya sa pamilya.
"Sobra-sobrang sakit kasi 'di nila alam paano ko pinalaki nang maayos 'yung anak ko. Isang araw magkakaroon tayo ng computer shop, hindi ka masamang bata 'nak. Alam ko naririnig mo kung nasaan ka man. Ilalaban ko kahit saan pa tayo makarating at alam ko tutulungan niya ko," sabi ni Christine. —Anna Felicia Bajo/JST, GMA News
