Patay ang isang lalaki sa pananaga ng kaniya mismong pinsan sa Zamboanga del Sur.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles, 14 na sugat sa pananaga ang tinamo ng biktimang si Rogelio Albarico, na ikinamatay nito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nangyari ang krimen sa bayan ng Ramon Magsaysay sa Zamboanga del Sur nang pagtatagain si Albarico ng pinsang si Jerson Maglasang.

Ayon sa mga pulis, pauwi na ang biktima, at lingid sa kaniyang kaalaman inaabangan na pala siya ng suspek.

Sa tulong ng isang saksi, nadakip ang suspek.

"Actually, nung papunta kami roon, na-flag down namin siya sa highway. May nag-tip na ang taong 'yan ang nanaga. May nakakita kasi," pahayag ni SPO2 Michael Hontiveros, ang imbestigador ng kaso. 

Depensa ni Maglasang, gumanti lang siya sa pananakit ni Albarico.

Bago ang pananaga, inupakan umano siya ng pinsan nang walang dahilan. Nagdilim daw ang paningin ni Maglasang.

"Ginulpi niya ako habang nag-iinuman kami. Maraming nakakita nang kaniyang pananakit sa akin. Umuwi ako sa bahay at nagkasalubong kami kaya may nangyari. Napatay ko siya," pahayag ng suspek.

Nabawi rin mula sa suspek ang patalim na ginamit umano sa pagpatay kay Albarico.

Nahaharap si Maglasang sa reklamong pagpatay. —LBG, GMA News