Aabot sa 40 basyo ng bala ng mga baril ang nakita ng mga imbestigador sa paaralan kung saan namaril ang dalawang menor de edad na estudyante sa San Jose National High School sa Tacloban City. Ang dalawang baril na ginamit ng mga suspek, service firearm ng isang pulis, habang sa isang security agency naman ang isa pa.
Tatlong tao ang kumpirmadong nasawi sa naturang insidente, habang 11 naman ang sugatan sa nangyaring pamamaril nitong Lunes ng umaga.
Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB, sinabing isa sa mga baril na ginamit ng suspek -- 9mm Glock pistol -- ay service firearm ng isang pulis na tiyahin ng suspek.
Samantala, nakarehistro naman sa isang security agency sa Cebu City ang isa pang baril na .38 caliber revolver.
Ayon kay PNP Spokesperson Colonel Allen Rae Co, nagpalit pa ng magazine o nagkarga ng panibagong mga bala ang isa sa mga suspek na gumamit ng 9mm nang maganap ang insidente.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang menor de edad na suspek na isang 14-anyos at isang 15-anyos.
Samantala, isinailalim na sa restrictive custody ang babaeng pulis na may-ari ng isa sa mga baril na ginamit sa krimen, ayon sa PRO 8.
Sinabi ng mga awtoridad na ipinasok ng isa sa mga suspek ang baril sa loob ng paaralan na inilagay sa sling bag, habang hindi naman napansin ng guwardiya ng paaralan ang isa pang suspek.
“Sad to say, ma’am, hindi nila, hindi talaga sila nag-i-inspect lalo na kung identified naman nila na student ng school, hindi po,” sabi ni PRO 8 Spokesperson P/Maj. Analiza Armeza sa panayam ng dzBB.
Ayon kay Armeza, hindi mananagot sa kasong kriminal ang 14-anyos na suspek, ang kamag-anak ng pulis, alinsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act.
“Exempted from criminal liability, however, ire-refer din namin 'yun for appropriate intervention ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO),” saad ni Armeza.
Samantala, sasailalim sa pagsusuri ng CSWDO tungkol sa pananagutan ang 15-anyos na suspek. Kapag napatunayang kumilos siya nang may sapat na pag-unawa o discernment, maaari siyang sampahan ng naaangkop na mga kaso.
“If ever man ma-convict siya… suspended sentence po yan kasi yung nga children in conflict with the law (CICL) sila,” dagdag ni Armeza. — FRJ GMA News
