Nagsalita na ang negosyanteng si Sam Verzosa tungkol sa hiwalayan nila ng aktres na si Rhian Ramos.
Sa programang Fast Talk with Boy Abunda noong Lunes, sinabi ng negosyante na may pag-aalinlangan siya na gawin ang naturang panayam, na magiging huling pagkakataon na magsasalita siya tungkol sa isyu.
“What we had was real. Sobrang minahal ko si Rhian,” ani Sam, na sinabing “one of the happiest days of my life” ang panahon ng kanilang relasyon.
“I’m so grateful na naging parte ako ng buhay niya and ako rin sa kaniya,” dagdag niya.
“But sometimes, even two people care about each other, I don’t know, life brings you in different directions. ‘Tas may mga nangyayaring bagay na hindi mo kontrolado, na we both felt it’s best for us to move forward separately," patuloy niya.
Ayon kay Sam, wala siyang galit at hangad niya para kay Rhian ang kapayapaan, kaligayahan, at tunay na tagumpay. Nais din niyang alalahanin ang masasayang alaala nila bilang magkasintahan.
Ibinahagi rin ng negosyante na may plano na silang magpakasal ni Rhian.
“We really thought na that time, ‘yun na, we were meant for each other,” ani Sam.
Nilinaw din niya na walang kinalaman ang halalan noong 2025, kung saan tumakbo siya bilang alkalde ng Maynila, sa kanilang paghihiwalay.
“I don’t wanna connect politics, ‘yung kasal, or whatever to what happened because nung election, nandun si Rhian during my hardest battle kumbaga sa buhay ko. And I’m so grateful for that,” sabi ni Sam.
“I felt the genuine love, care. She fought with me, she believed in me, she believed in what I’m fighting for. And when you have that person dun sa pinakamahirap na laban mo sa buhay, you never forget about them,” dagdag niya.
Ayon kay Sam, minsan na silang naghiwalay ni Rhian noong unang taon ng kanilang relasyon noong 2022 dahil sa pagtakbo niya sa Kongreso. Ayaw umano ni Rhian na magkaroon ng nobyong sangkot sa pulitika dahil sa mga negatibong isyu at alegasyon ng korupsiyon na nadidikit sa mga politiko.
“I couldn’t even post kasi pag-aawayan namin. We couldn’t talk about it, I couldn’t post,” dagdag niya.
“I think after some time, Rhian saw whatever I was doing, all the philanthropy, all the help, lahat ng tumatakbo sa ‘kin sa tulong, lahat ng binibigyan ko ng negosyo, lahat ng taong umaasa sa ‘kin," patuloy niya.
Matapos ang apat na taon ng kanilang relasyon, natutunan ni Sam na hindi perpekto ang lahat ng relasyon, at hindi sapat ang pagmamahalan lang.
“Love is not enough. There’s trust, loyalty, respect, peace of mind, and that’s what matters,” aniya. Mas naging mabuting tao rin daw siya dahil kay Rhian.
Ayon kay Sam, hindi na sila nag-uusap ni Rhian.
Noong Marso, kinumpirma ni Rhian sa Fast Talk with Boy Abunda ang kanilang paghihiwalay at sinabi niyang hiwalay na sila mula pa noong Oktubre 2025.
Nilinaw rin niya na walang kinalaman si Wil Dasovich sa kanilang breakup.
Kinumpirma nina Rhian at Sam ang kanilang relasyon sa GMA Gala 2022. Noong Agosto ng nakaraang taon, ipinagdiwang nila ang kanilang ikaapat na anibersaryo bilang magkasintahan.
Disyembre 2025 nang mapansin ng netizens na nag-unfollow sa isa't isa sa Instagram ang dalawa. —Nika Roque/FRJ GMA News
