Hindi napigilan ni Rochelle Pangilinan na maging emosyonal matapos ang mga reunion concert ng Sexbomb Girls’, na inilarawan niya bilang “surreal.”

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, binalikan ni Rochelle ang mga best moment mula sa kanilang local at international shows.

Sinabi ni Rochelle na noong kanilang unang concert noong Disyembre, kakaiba pa rin ang hiyawan ng mga manonood.

“Nung narinig po namin ‘yung music namin, ‘yung kilabot po talaga, ibang klase na. And then ‘yung sigawan, grabe parang nakakatunaw na hindi maintindihan, na gusto mo ibigay lahat. Gusto mong mag-tumbling agad, kaya lang hindi pa. Ganun ‘yung energy namin. Wawasakin namin ‘yung stage para sa inyo.”

Para pa sa kaniya, nangyayari ang lahat ayon na rin sa itinakda ng Maykapal.

Isa pa niyang paboritong moment nang muli niyang makita sa stage ang kaniyang mga kapwa Sexbomb.

Sinabi ni Rochelle na tinitingnan niya sila isa-isa, at sinabing isinasapuso niya ang mga sandaling ito.

“Hindi ko alam eh, kung kailan mauulit ulit. Alam nila ‘yan, lagi akong iyakin ‘pag nasa stage kasi tine-treasure ko ‘yung moment na magkakasama kami kasi ‘yun na nga, mommies, may mga kanya-kanyang responsibilities, minsan ‘di mo sila makukuha lagi na not like before na anytime tawagin mo sila, may priorities sila,” ani Rochelle.


Rochelle also looked back on their world tour and people’s acceptance of them.

“’Yung sabayan ‘yung kanta namin, iba po ‘yun,” sabi niya. “’Yun ‘yung nagpapa-close ng book namin na oh my gosh, may napatunayan nga kami.”

Bukod pa rito, ikinatuwa rin ni Rochelle na nagkaroon pa ng kumpiyansa ang Sexbomb sa kanilang sarili bilang mga babae.

“Hindi yata ‘yun mananakaw sa bawat Sexbomb na kasama ko dito,” sabi niya.

Nag-reunite ang Sexbomb Girls sa Araneta Coliseum noong Disyembre, hanggang sa nagkaroon pa ng mga susunod na mga show.

Kabilang din sa Sexbomb sina Jopay Paguia, Mia Pangyarihan, Aira Bermudez, Sunshine Garcia, Aifha Medina, Weng Ibarra, at marami pang iba.

Kilala ang SexBomb Girls sa kanilang dance hits na "The Spaghetti Song" at "Halukay Ube.” —Jamil Santos/LDF GMA News