Duda ang mga kaibigan ni Joshua Lacsamana, ang 17-anyos na napatay ng mga pulis matapos umanong manlaban sa isang checkpoint sa Rosales, Pangasinan, sa salaysay ng mga otoridad sa mga nangyari.
Noong Agosto 15, pumunta ng Baguio City si Joshua upang sumali sa isang competition ng DOTA. Makalipas ng ilang araw, natagpuan ng pamilya ni Joshua ang kanyang bangkay sa isang morgue. Ayon sa kanyang death certificate, hindi bababa sa apat na tama ng bala ang ikinamatay ng binatilyo.
"Hindi naman po marunong mag-motor 'yun. Hindi rin marunong humawak ng baril. Kung makikipag-away 'yun, mouse at keyboard gamit nu'n. Hindi baril," sabi ng isang kabarkada sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" ngayong Miyerkoles.
Iginiit pa ng isa: "Si Joshua po, mabait na tao 'yan. Hindi siya makakagawa ng mga bagay na labag sa aming kalooban."
Tinanggal muna sa puwesto ang apat na pulis na nagmando ng checkpoint/
Nakidalamhati raw ang pulisya dahil napatay ng kanilang kawani ang biktimang si Joshua Lacsamana, ngunit nangatwiran ang mga ito na sangkot sa krimen ang binatilyo.
"Talagang kami rin nagdadalamhati dahil bata nga ang napatay namin," sabi ni Police Chief Inspector John Corpuz, hepe ng Rosales police. "Ginawa lang ng pulis natin 'yung trabaho nila."
Kaduda-duda
Ayon sa pulisya, namataan raw si Joshua sa Balungao, Pangasinan. Paikot-ikot daw siya sakay ng motorsiklo at kaduda-duda umano ang mga kilos.
Iginiit nila na bumuwelta umano si Joshua bago ito dumating sa checkpoint.
Kuwento ng hepe ng Balungao police na si Police Senior Inspector Rodrigo Lubiano, Jr.: "Mayroon kasing concerned citizen na tumawag po sa ating opisina noong gabi na 'yon. Nag-dispatch tayo para sa Oplan Sita para makita natin sino 'yung suspicious na roaming around dito sa ating area,"
"Usually kasi, itong mga suspicious na 'yan, kung sakaling mayroon silang mga ilegal na kuwan, hindi talaga tumuloy sa checkpoint. As long as hindi sila mababarahan, iikot at iikot sila," dagdag niya.
Pinutukan daw ng pulis si Joshua pagpasok niya sa karatig-bayan ng Rosales.
Ayon kay Corpuz ng Rosales police, pasok raw kasi ang binata sa description na ibinato sa kanila ng Balungao police at dire-diretso raw ang takbo nito.
"Fit po doon sa description na ibinato ng Balungao police station doon sa description ng tao na sinita rin ng tropa nu'ng kapulisan natin. Dire-deretso din siya," sabi ng hepe.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas raw na dating may kinasangkutan na robbery incident sa Rosales ang nasawing biktima.
Ayon kay Corpuz, hawak na raw ng pulisya ang isang witness na nakakilala raw kay Joshua.
"Mayroon tayong isang witness na nagsasabing na itong ngang suspek ay nakita o nakilala na isa siya sa mga suspek sa robbery incident dito sa Rosales...biktima ng isang gasolinahan," sabi ni Corpuz.
Commission on Human Rights
Hindi naman natanggap ng nanay ng nasawing binatilyo ang paliwanag ng pulisya.
"Luma na pong style eh, nanlaban? May baril? Ano pa po bang... hindi na ba pwedeng baguhin? Eh paano po 'yan, napakasayang nu'ng batang pinatay nila," sabi ni Christine.
Dumulog na sa Commission on Human Rights (CHR) ang ina ni Joshua.
Nakipagpulong nitong Miyerkoles ang ilang taga-CHR sa Rosales municipal office parikil sa kaso ng menor de edad, pero hindi muna sa sila nagpa-interview.
Missing parin ang dalawang kaibigan na kasama ni Joshua na sina Julius Sebastian, 15-anyos, at si Deo de Guzman, 19-anyos.
Nagkahiwa-hiwalay raw ang magkakaibigan sa may Pangasinan habang pauwi sila galing Baguio. —Margaret Claire Layug/JST, GMA News
