Dinakip ang isang lalaki sa Meycauayan, Bulacan, matapos niyang gawing sex slave umano ang dalagita niyang pamangkin sa loob ng anim na taon, kung saan hinahalay niya ito nang tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo.
Sa ulat ni Victoria Tulad para sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Miyerkoles, sinabing nagsumbong ang biktima na 10-anyos pa lamang siya ay ginagahasa na siya ng tiyuhin.
Naulila ang dalagita sa ina, at ang ama nito ang nag-iwan sa kaniya sa tiyuhin.
Hindi na pumalag pa ang suspek nang arestuhin.
"Nagsumbong siya sa text sa isang tao na agad namang nagsumbong sa kapulisan at barangay. Akto naman naming pinuntahan yung bahay. Nakita namin doon 'yung bata umiiyak," PSupt. Santos Mera Jr., chief of police ng Meycauayan, Bulacan.
Umamin ang suspek sa krimen, ngunit sinabing may hindi totoong detalye na sinabi ang bata sa mga awtoridad.
Ayon sa suspek, 13 taong gulang na ang pamangkin at hindi 10-anyos nang simulan niya itong gahasain.
"Ni-rape ko po.... Blangko na po ako nu'n. Naka-inom din po kasi ako. Once in a week lang po nangyayari samin 'yun."
Dadalhin ang dalagita sa kustodiya ng DSWD. — Jamil Santos/RSJ, GMA News
